MANILA, Philippines - Hindi pumayag ang Laos na magdala ang Team Philippines ng sarili nitong kusinero para sa darating na 25th Southeast Asian Games.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. na makikisama na lamang sila sa kusina ng delegasyon ng Thailand sa 2009 Laos SEA Games sa Disyembre.
"Ang gagawin ko na lamang siguro ay kakausapin ko 'yung kaibigan ko sa Thailand. Siguradong magtatayo rin sila ng kusina para sa mga Thai athletes eh, so makikisama na lamang tayo because I'm sure hindi rin nila gusto ang pagkain sa Laos."
Sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand, nagdala ng sariling kusinero ang POC para sa pagkain ng mga Filipino athletes.
"Gusto rin naman nila ng mga Filipino food, so magsasama-sama na lamang tayo pagdating sa pagkain," dagdag ni Cojuangco sa Thailand na tinanghal na overall champion noong 2007.
Ayon sa POC chief, malaki ang magiging epekto ng hindi magandang pagkain sa isang atleta. Lalo na kung ito ay maaanghang na hindi gaanong gusto ng mga Pinoy.
Kaugnay sa 2009 Laos SEA Games, inaasahan nang naisumite ni Chef De Mission Mario Tanchangco ng sepak takraw ang listahan ng mga atletang isasabak sa nasabing biennial event.
Ang dala ni Tanchangco patungo sa Laos ay ang orihinal na inaprubahang 213 national athletes kasama ang halos 100 officials.
Nauna nang inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping ang pagpapadala sa 153 atleta at 47 opisyales para sa 2009 Laos SEA Games. (Russell Cadayona)