MANILA, Philippines - Lumiban si Manny Pacquiao sa road work kahapon ng umaga at malakas na niyanig si Shawn Porter sa kanyang sparring noong hapon sa Gerry Peñalosa Gym sa Mandaluyong City.
Nakatakdang tumakbo si Pacquiao sa Rizal Memorial track oval ngunit hindi ito pinayagan at pinagpahinga na lang sa kanyang hotel suite makaraang tumakbo ng extra mile noong nakaraang dalawang araw.
“He was tired and weary so he stayed in,” anang isa niyang trainer na si Nonoy Neri.
Ang kapaguran, gayunpaman, ay hindi nakita kay Pacquiao nang magtungo ito sa gym para sa mabigat na 10-round, anim kay Porter, at tigalawa kina Jose Luis Castillo at Danny Escobar.
Ayon kay Neri, nagpakita ng sobrang bilis at lakas sa sparring si Pacquiao na halos nagpabagsak kay Porter sa pamamagitan ng left straight sa mukha sa second round ng kanilang sesyon na natapos nang halos nakalutang ang Amerikano.
“His knees shook and his legs wobbled,” ani Neri.
Nasa huling dalawang araw ng pagsasanay dito sa bansa si Pacquiao. Bukas isa pang sparring at sa gabi ay aalis na patungong Los Angeles kasama ang kanyang handlers at si Freddie Roach.
Nagdulot ng ingay nang sa isang ulat sa internet ay sinabi umano ni Roach na kayang patumbahin ni Pacquiao si Cotto sa first round ng kanilang laban sa Nov. 14 sa MGM Grand sa Las Vegas.
At kung sinabi man ito ni Roach, iba naman ang nasa isip ng fight promoter na si Bob Arum.
Sinabi ng Top Rank president sa isang tele-conference noong Martes sa handler ni Cotto na may knockout na magaganap pero hindi alam kung sa ilang round.
“Anything is possible. They fight from the beginning, and anything can happen. Miguel can knock Manny out in the first round and Manny can knock Miguel out in the first round,” wika Arum.
“I don’t think it’s likely and I know that Freddie is a great trainer and he is also a great psychologist. A lot of what Freddie says is to get in camp Cotto’s heads. There is nothing wrong with that. That’s boxing. No one knows what can happen. The fight could go a lot of different ways and that’s why it’s going to be a great fight,” dagdag pa niya.
Tinawanan lamang ni Roach nang tanungin ito sa reaksiyon niya tungkol sa first round knockout na pahayag.
Sinasabi naman ni Arum na isang psych war lang ito ni Roach sa kampo ni Cotto. (May ulat ni Mae Balbuena)