Z Gorres at Melligen puspusan din ang pagsasanay para sa laban
MANILA, Philippines - Kagaya ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao, wala ring tigil sa kanilang pagsasanay sina super flyweight Z "The Dream" Gorres at light welterweight Mark Jason Melligen para sa kani-kanilang laban.
Nakatakdang harapin ni Gorres si Colombian Luis Melendez, habang sasagupain naman ni Melligen si Mexican Michael Rosales sa Nobyembre 13 sa House of Blues sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Ang 28-anyos na si Gorres ay nagsasanay sa Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Los Angeles, California sa ilalim ni Filipino trainer Edito Villamor.
Ibinabandera ni Gorres, nanggaling sa panalo kay dating world champion Cruz Carbajal noong Setyembre 12 sa Tepic, Mexico, ang 30-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs kumpara sa 26-3-1 (21 KOs) ng 29-anyos na si Melendez.
Kagaya ni Gorres, natalo rin si Melendez kay Mexican Fernando Montiel para sa World Boxing Organization (WBO) super flyweight belt noong Oktubre 4, 2007.
Huling lumaban si Melendez noong Setyembre 9 laban kay Rafael Salgado kung saan siya nanalo via third-round TKO.
Nagsasanay ang 23-anyos na si Melligen (16-1-0, 12 KOs) sa Mayweather Gym sa Las Vegas kasama sina trainer Edmund Villamor at Tony Martin bilang paghahanda kay Rosales (24-3-0, 21 KOs).
Makakatapat naman ni Federico Catubay (25-15-3, 13 KOs) si Juan Alberto Rosas (30-5-0, 25 KOs) ng Mexico para sa International Boxing Federation (IBF) super flyweight title eliminator. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending