Coke ubos sa Barako Bull
MANILA, Philippines - Matapos kontrolin ang unang bahagi ng labanan, kumulapso sa second half ang Coca-Cola at naitakas ng Barako Bull ang 81-73 panalo sa pag-usad ng PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
Matapos mabaon ng 12-puntos sa first half, humataw sa third quarter ang Energy Boosters upang itabla ang iskor sa 52-all.
At di naglaon ay naagaw nila ang kalamangan sa 67-66, 6:31 ang oras sa ikaapat na quarter.
“New group compose of many young players and some veterans but all of them gusto nilang mare-cognize so ito ang pagkakataon nila,” pahayag ni Barako coach Leo Isaac.
Malaking bagay ang pagkawala sa laro ni Asi Taulava na napatid kay Aries Dimaunahan sa isang agawan ng looseball sa huling bahagi ng unang quarter na sinamantala ng Tigers.
“It’s a big factor na nawala si Asi Taulava. Nag-struggle din sila na nawala si Taulava early on the game,” sabi pa ni Isaac.
Bumawi ang Bulls na pinangunahan ni Magnum Membrere sa kanyang 14-puntos, sa kanilang 83-99 pagkatalo sa Alaska noong Miyerkules para sa 1-1 record katabla ang Burger King.
Nagpakawala ng tatlong sunod na tres sina Membrere, Felix Belano at rookie Ogie Menor para tapusin ang 12-4 run na naging sandata ng Barako patungo sa final stretch.
Kasalukuyang naglalaban ang Purefoods at Ginebra na mag-aagawan sa panalong magbibigay sa kanila ng karapatang saluhan sa liderato ang Aces na may 2-0 record.
- Latest
- Trending