Adamson belles lusot sa Lyceum spikers

MANILA, Philippines - Matindi ang hinagpis, pinagbuntunan ng Adamson ang Lyceum sa pamamagitan ng isang gitgitang labanan, 25-20, 13-25, 25-23, 18-25,15-13, upang makabawi sa nilasap na kasawian at iposte ang 1-1 marka sa Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena, San Juan City.

Humampas para sa huling dalawang puntos, sa pamamagitan ng block at isang kill ni Pau Soriano, naitakas ng Adamson ang panalo.

Pukpukan ang labanan, halos nagsasagutan lang ang Lady Falcons at Lady Pirates na desididong dominahin ang laban subalit sa bandang huli ay nadagit ng Lady Falcons ang tagum-pay at wakasan ang larong tumagal ng isang oras at 52 minuto.

Tumapos si Soriano ng 12 hits para sa 16 point output habang nagdagdag naman si Jill Gustillo ng 13 points, kabilang ang 11 atake, at nag-ambag pa ng 12 points si skipper Angela Benting.

Gayundin, mayroong 9 points produksyon si guest player Charmaine Moralde para iposte ang panalo sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza.

Bagaman talunan, nagbigay ng magandang laban ang Lyceum sa pangu-nguna ni Joy Cases at Nica Guliman na nagrehistro ng 20 points, tampok ang 28 spike sa torneog suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond, at Oracare.

Sa isa pang laban, kumana ng 13 hits si Charo Soriano, upang ihatid ang Ateneo sa 25-23, 25-13, 25-13 panalo laban sa University of the Philippines.

Ang panalo ng Ateneo ay regalo din ni Soriano sa kanyang sarili sa kanyang kaarawan kahapon. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments