NCAA Volleyball Game 1: Lady Stags vs Lady Blazers
MANILA, Philippines - Isang mainit na bakbakan ang paniguradong ihahatid ng defending four time champion San Sebastian College at College of Saint Benilde sa pagbubukas ng kanilang best of three title showdown ngayon sa NCAA women’s volleyball tournament sa Emilio Aguinaldo College.
Sa ikatlong pagkakataon, magsasagupa ang Lady Stags at Lady Blazers para sa puntir-yang korona sa ganap na alas-4 ng hapon, kung saan mapapanood ang live coverage ng Studio 23.
Naging mahigpit ang agawan para sa finals berth nang magkaroon ng tabladong marka ang San Sebastian, St. Benilde at University of Perpetual Help Dalta sa 2-1 baraha sa semis, subalit nalaglag ang Lady Altas makaraang makakuha ito ng mas mababang point ratio kumpara sa Lady Stags at Lady Blazers.
Parehong may malalim na paghahangad, determinado ang Lady Stags na muling makuha ang panalo matapos yurakan ang Lady Blazers sa opening day, 22-25, 25-13, 17-25, 25-15, 15-13 habang isusulong ng Lady Blazers ang mas malakas na pwersa tulad ng pinamalas nila sa 25-19, 25-23, 21-25, 25-10 tagumpay sa pagwawakas ng semis noong Huwebes.
Bagamat nagungulila sa pagkawala nina Season 84 MVP Lou Ann Latigay, Sasa Devanadera at Charisse Ancheta, nanatiling malakas pa rin ang San Sebastian sa pamamagitan nina Joy Benito, Margarita Pepito, Melissa Mirasol na tiyak na bibida para sa koponan.
Bukod pa rito, hinahasa rin ni Lady Stags coach Roger Gorayeb sina Elaine Cruz at Russel Jalbuna para pumalit sa mga nabakanteng pwesto ng kanyang mga pambatong manlalaro.
Samantala, kaalinsabay ng duelo sa women’s division ay eeksena rin ang men’s finals sa pagitan ng reigning three-time titlist Letran at San Beda College sa ganap na alas-2 ng hapon.
Para sa juniors championship aarangkada ang titleholder San Sebastian Staglets para talunin ang Perpetual Help Junior Altas sa pang-11 ng umagang laban. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending