Ano na, Japhet?

Magsisimula na ang 2009 KFC PBA Philippine Cup bukas subalit wala pa ring linaw kung maglalaro o hindi si Japhet Aguilar sa Burger King na makakalaban ng Purefoods Tender Juicy Giants sa 6:30 pm opening game.

Pero ‘hoping’ pa rin si PBA chairman Lito Alvarez na siyang team manager ng Burger King na maglalaro si Aguilar na pinili nila bilang No. 1 pick overall sa 2009 Draft. Katunayan ay nagpagawa ang Burger King ng uniporme para kay Aguilar at nagbabaka-sakali ang Whoppers na makakasama nila ang 6’9 rookie sa game kontra Giants.

Malaking bagay si Aguilar sa Whoppers considering na hindi ganoon katatag ang gitna nila kumpara sa ibang koponan na loaded ng mga dominant big men.

Ang mga big men ng Burger King ay sina Carlo Sharma, Beau Belga, JR Quiñahan, Erick Rodriguez at bagong lipat na si Richard Yee. Underrated ang mga ito, e. Pero maituturing silang over-achievers at iyon ang katangiang gusto ni coach Joseller “Yeng” Guiao sa kanyang mga manlalaro.

So, kung hindi man makasama ng Burger King si Aguilar, siguradong naikintal na ni Guiao sa isipan ng kanyang mga big men ang halaga ng “hard work.” Inferior man sila kumpara sa big men ng ibang teams na superstar ang status, tiyak na magbibigay sila ng magandang laban.

Problema pa nga kung biglang magdedesisyon si Aguilar na maglaro na sa PBA sa halip na sa Smart Gilas developmental team. Makakatulong ba siya kaagad sa Whoppers gayung hindi naman siya nakipag-ensayo sa mga ito. Mapapasabak kaagad siya sa Purefoods na isa sa itinuturing na malakas na team sa taong ito.

Baka maging “counter-productive” kung paglalaruin kaagad ng Burger King si Aguilar? Tiyak na hindi siya magbibigyan ng mahabang playing time dahil kailangang matutunan muna niya ang sistema sa Burger King.

Isa pa’y parang may “superstar complex” na kaagad si Aguilar kahit na hindi pa siya nakakatuntong sa PBA.

E, nasabi na nga natin na hindi ganun ang klase ng manlalarong kursunada ni Guiao.

Kahit na noong nasa Red Bull pa si Guiao, yon na ang kanyang trademark. Walang superstars. Walang regular starting five. Lahat ay dapat na handang maglaro kahit na limang minuto lamang.

Baka nga iyon ang isa sa dahilan kung bakit ayaw ni Aguilar na maglaro sa Burger King.

Kasi nga hindi siya na-bigyan ng mahabang playing time noong naglaro siya sa Powerade Team Pilipinas na hawak ni Guiao. Baka iniisip niya na ganoon din ang magi-ging trato sa kanya ni Guiao sa pagtuntong niya sa PBA.

Anyway, gaya ng parating sinasabi: Ang basketball ay team game. Hindi lang isang player ang nagpapanalo o magpapanalo sa team.

There is no I in team!

Show comments