Padilla wagi pa rin kahit nasira ang baril
MANILA, Philippines - Nalusutan ng palagiang pistol champion na si Nathaniel ‘Tac’ Padilla ang sira niyang baril at makalusot sa sorpresang pagkakasibak sa panimula ng 2009 National Open shooting championships noong nakaraang linggo sa PSC range sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang 45 anyos na si Padilla, general manager ng family-owned Spring Cooking Oil, ay dinomina ang mga kalaban sa rapid fire event hanggang sa magkaproblema sa kanyang baril patungo sa huling serye (apat na segundo). Namultahan ito pero nakatapos pa rin sa unahan sa iskor na 561, isang puntos na abante kay Robert Donalvo at 14 ang layo kay Ronald Hejastro.
“It was the closest margin I ever have so far in winning the event,” ani Padilla, na lalahok sa ika-16 na beses sa Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.
Nagwagi din sina veteran campaigners Emerito Concepcion at Carolino Gonzales sa dalawang linggong kompetisyon na inorganisa ni Philippine National Shooting Association head Arturo R. Macapagal.
Nagtala si Concepcion ng 584 puntos sa men’s air rifle habang nagposte naman si Gonzales ng 539 sa free pistol event.
Ang iba pang nagwagi ay sina Edwin Hernandez sa 50M men’s rifle prone, Irish Palma sa women’s air rifle at Frances Nicole Medina sa women’s short rifle prone.
- Latest
- Trending

















