2016 Summer Olympics sa Rio de Janeiro
COPENHAGEN, Denmark-- Ipinagkaloob sa Rio de Janeiro ang hosting ng 2016 Summer Olympics matapos ang isinagawang botohan kung saan ang Chicago ang unang nasibak sa apat na siyudad na finalist.
Inihayag nitong Biyernes ni International Olympic Committee president Jacques Rogge sa Copenhagen na ang Rio de Janeiro, ang kauna-unahang siyudad sa kontinente ng South America ang magho-host ng Olympics na tinalo ang Madrid sa 66-32 sa final na boto ng mga miyembro ng IOC. Ang isa pang finalist ay ang Tokyo.
"I would like to congratulate the city of Rio de Janeiro on its election as the host of the 2016 Olympic Games," ani Rogge makaraang ihayag ang nasabing botohan.
Sa isinagawang botohan, ang Chicago ang siyang nakakuha ng pinakamababang boto sa first round at naiwan ang Rio de Janeiro, Madrid at Tokyo na nanatiling buhay ang tsansa. Bumandera ang Madrid sa initial na balloting sa pagkuha ng 28 boto, sumunod ang Rio de Janeiro na may 26 at Tokyo na may 22 bago ang Chicago na nakakuha lang ng 18.
At sa second round, nakakuha ang Tokyo ng 20 boto kumpara sa Rio na may 46 at 29 naman sa Madrid na nagresulta ng final boto.
Ang presentation ng Rio de Janeiro ay buong pusong sinuportahan ng kanilang Pangulo na si Luiz Inacio Lula da Silva at soccer legend Pele.
- Latest
- Trending