MANILA, Philippines - Ngayon na ang pag-huhukom.
Sa ganap na alas-3:30 ng hapon, mangyayari ang isang umaatikabong harapan ng dalawang koponang mayroong iisang mithiin.
Isang panalo para sa kampeonato ang puntirya ng Ateneo habang isang panalo naman ang igagapang ng University of the East para maipwersa ang sudden death sa 72nd UAAP seniors basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Bagaman nanaig sa unang pagtitipan sa serye, aminado ang buong tropa ni coach Norman Black na nayanig sila at naging mahirap.
Dahil dito inabisuhan ni Black ang kanyang mga bataan na huwag maging kumpiyansa sapagkat maari silang lusubin ng Warriors kahit anung oras.
“It’s hard to play UE namely because they’re a rhythm team and in fairness to their coach, he (Chongson) gives his players a lot of confidence,” ani Black.
“It’s hard to put them down because they can come back at you at anytime during the game so you just have to play defense for 40 minutes if you want to beat them,” aniya pa
Nakatikim ng matin-ding kaba ang Eagles nang bumulusok ang kalibre ni Paul Lee na tumapyas sa malaking kalamangan nila at pumoste ng 35-34 pabor sa No.3 seed na UE.
Subalit sa masigasig na pagbuno nina last year’s MVP Rabeh Al Hussaini at Jai Reyes, muli nilang naagaw ang paghahari at inuwi ang tagumpay sa unang laban.
Bunga ng naranasan, tiyak na lalong mas pagtutuunan ng pansin ni Black ang opensa at mailathala ang mas malaking distansya kontra sa Recto based squad.
Datapwat, mas lalong tumindi ang pagnanasa ng Warriors na muling makabangon at maangkin ang korona.
Bitbit ang determinasyon, maghahanda si coach Lawrence Chongson nang mga makabagong taktikang itatapat para masupil ang paglipad ng Eagles.
“We have to review the tape, where we went wrong, make the necessary adjustment and hopefully come out better. We hope to execute in Game Two,” ani Chongson. (SNF)