MANILA, Philippines - Dahil sa nakaraang kalamidad, imbes na magkaroon ng magarbong Awards Night sa Manila Pavilion ay isang simpleng seremonya na lamang ang gagawin sa PBA office sa Libis bukas.
Makikisama ang PBA Press Corps sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Ondoy kaya anuman ang matitipid sa gagastusin dapat sa gabi ng parangal ay ido-donate na lamang sa fund drive ng Philippine Sportswriters Association sa ilalim ni president Teddyvic Melendres.
Ikinatuwa ni PBA commissioner Renauld “Sonny” Barrios at board chairman Lito Alvarez ang desisyon ng grupo.
Si Talk N Text coach Chot Reyes ang paparangalang Coach of the Year sa awards na sponsored ng Smart Sports, San Miguel Corp., Coca-Cola at Pagcor.
Si SMC chairman Eduardo “Danding” Cojuangco ay gagawaran ng Executive of the Year award sa gabi ng parangal na suportado rin ng Burger King, Sta. Lucia Realty, Alaska Milk, Barako Bull, Rain or Shine at Harbour Centre.
Paparangalan din sina Wynne Arboleda, Jason Castro, Mike Cortez, Arwind Santos, Jimmy Alapag, Gabe Norwood, Jared Dillinger, Sol Mercado, Bonbon Custodio, Larry Rodriguez at Throngy Aldaba.
Si Santos, Defensive Player of the Year noong 2008, ay katabla ni Alapag sa Order of Merit winners sa Player of the Week programa ng PBAPC. Tatlong beses silang nanalo ng Player of the Week honors kaya pagsasaluhan nila ang tropeo na galing sa Accel.
Si Arboleda ang Best Defensive sa ikalawang pagkakataon sa huling tatlong taon. Si Castro ang Mr. Quality Minutes, Si Cortez ang Comeback Player of the Year at si Aldaba ang Referee of the Year.
Sina Norwood, Dillinger, Mercado, Custodio at Rodriguez ang bumubuo ng All-Rookie Team.