LOS ANGELES - Hindi pa man nagaganap ang laban niya kay Miguel Cotto, sinabi ni Manny Pacquiao na malamang na matuloy na ang laban niya kay Floyd Mayweather Jr.
At kapag natuloy ang nasabing laban, kikita si Pacquiao ng $25 milyon hanggang $30 milyon o P1.5 bilyon.
Gayunpaman sinabi rin ni Pacquiao na depende pa rin ang lahat sa magiging resulta ng kanyang laban kay Cotto, ang reigning WBO welterweight champion, sa Nobyembre at ang kalalabasan ng sariling laban ni Mayweather kay Juan Manuel Marquez sa Sabado.
Kapwa pinapaboran sina Pacquiao at Mayweather na mananalo at kapag walang sumira sa kasiyahan, malamang na magharap ang dalawa na inaasahang magiging laban ng dekada o mas higit pa sa susunod na taon.
“Kapag nanalo kami pareho ni Mayweather, kami na yan (If me and Mayweather prevail, then it should be us),” pahayag ni Pacquiao habang nakasakay sa Gulfstream G200 eight-seater plane na nagdala sa kanya sa San Francisco.
“Nag-uusap na. Basta. Nag-uusap na (Talks are on),” ani Pacquiao na kasama sa 50 mi-nute flight sa Burbank sa LA sina trainer Freddie Roach, top-ranked publicist Fred Sternburg, Mike Koncz, Geng Gacal at Roger Fernandez.
May sariling eroplano ding sinakyan si Cotto patungong Los Angeles at kasama naman niya ang kanyang ama na si Miguel Sr., lawyer Gabriel Penagaricano, coach Phil Landman, Top Rank big boss Bob Arum at ang kanyang dynamic duo na sina Lee Samuels at Ricardo Jimenez.
Sinabi ni Arum na tinatayang kikita ng $20 milyon si Pacquiao sa kanyang laban kay Cotto at hindi pa kinukumpirma ang umano’y usapan sa kampo ni Mayweather dahil nais niyang ituon ni Pacquiao ang sarili sa kanyang nalalapit na laban.
Pagdating sa AT&T Park sa San Francisco dumating sina Pacquiao at Cotto at pinanood ang pambubugbog ng San Francisco Giants sa LA Dodgers at sa ikaapat na sunod na araw nagtabi ang dalawang boskingero.
Pagkatapos ng laban sa harap ng may 40,000 kataong nanood, nagdaos ng press conference ang dalawa sa kalapit na dugout ng Giants.
Halos hindi tinalakay ni Pacquiao ang plano sa nalalapit na laban at imbes ay inanyayahan ang lahat ng fans na magtungo sa Las Vegas sa November at sinabing “I’m going to hold a concert at Mandalay Bay after the fight.”
Kakaiba naman si Cotto na mas mainit sa pagsa-sabing nagsanay siya ng mabuti dahil “it’s going to be war out there at the MGM Grand.”
At bago umalis ng LA nakipaglaro pa ng basketball si Pacquiao sa kanyang mga kaibigan.