Malinis na marka at pagtapak sa Final Four asam ng Stags
MANILA, Philippines - Isang hakbang na lang ang layo, tatapak na sa Final Four ang nangungunang San Sebastian na may twice to beat advantage kapag napatumba nito ang St. Benilde sa kanilang paghaharap, dakong 2pm sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Stags matapos gulpihin ang Mapua, 101-65 para mapalawig ang 13 game winning streak na siyang pinakamatatag sa liga ma-tapos burahin ang record na pinoste noon ni Rommel Adducul.
Kung sakaling muling maghari ang Stags, tatabla ito sa pinakamahabang winning run ng San Beda sa loob ng nakalipas na 14 na taon. Ang magiging sweep ng Stags dito ang magbibigay sa kanila ng deretsong tiket sa best of three finale.
Bagamat mayroong imakuladang baraha, target pa rin ni coach Ato Agustin ang No.15 na panalo. “We’re not thinking about a sweep, maybe if we have three games remaining we might start entertaining it,” anito.
Matapos ang bakbakan kontra Blazers, nakapila na rin ang Arellano U Chiefs na makakalaban ng Stags sa Sept. 21, Letran Knights sa Sept. 25, Jose Rizal Bombers sa Sept. 28 at ang huli at madugong sagupaan ay ang pakikipagtipan nito sa Lions sa Oct.7.
Tulad ng inaasahan, magiging pangunahing sandigan ng Stags ang kalibre ni Jimbo Aquino na may malakas na pag-asa sa MVP award.
Samantala, sa inisyal na laban, magtatapatan ang guest teams na Emilio Aguinaldo (4-10) at Angeles U (1-12) para sa pang-alas kwatrong laro. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending