Pacquiao, pinagkaguluhan sa Puerto Rico

SAN JUAN, Puerto Rico – Nagtilian ang mga magagandang babae at naghiyawan naman ang mga kalalakihan nang bu-maba si Manny Pacquiao sa kanyang itim na Ford Excursion na sinakyan nito patungo sa eleganteng El San Juan Hotel and Casino halos hatinggabi na nitong Biyernes.

“My God! I’m in love with him,” sabi ng isang sexy na fan matapos itong magpakuha ng litrato kasama ang kanyang mga kaibigan kasama ang Filipino ring icon na bumiyahe ng apat na oras mula Newark, New Jersey patungo sa lungsod na ito na parang pinagsamang Las Vegas at Havana.

Ngumiti si Pacquiao at pinagbigyan ang mga fans na gustong magpakuha at naghintay sa kanya sa airport at nang makasakay ay nagsabing “Sikat pala ako dito.”

Sa hotel, isa sa pina-kasikat dito sa Puerto Rico, pinagkaguluhan din sa pagdating niya at inabot siya ng 10-minuto bago makapasok. Pagdating sa elevator, lalong dumami ang tao.

“Come on, they’ll just grow in number,” sabi ng hotel’s security officer na nag-escort kay Pacquiao sa kanyang suite.

Naririto si Pacquiao bilang bahagi ng kanyang press tour para sa Nov. 14 fight kontra sa pambato ng Puerto Rico na si Miguel Cotto.

Noong isang araw ay nasa New York sila at sa Linggo ay sa San Francisco, sa Lunes sa Los Angeles at sa Martes sa San Diego pero si Pacquiao na lang.

Pupunta na sana si Pacquiao sa San Francisco (10-oras na biyahe) sa Sabado ng hapon ngunit hiniling ng reigning pound-for-pound champion sa kanyang Canadian adviser na si Mike Koncz na Linggo na lamang siya aalis dahil ayaw niyang palagpasin ang pagkakataong mapanood ang kababayang si Rodel Mayol na lalaban para sa WBO lightflyweight crown kontra kay undefeated hometown boy Ivan Calderon sa Sabado ng gabi dito sa Hato Rey, Puerto Rico.

“Let’s watch him fight. Let’s give him the boost,” ani Pacquiao.

(Abac Cordero)

Show comments