JRU pasok sa Final Four

MANILA, Philippines - Nakatuklas ng isa pang kayamanan ang Jose Rizal University sa katauhan ng isang John ngunit hindi ito si Wilson sa pagbandera sa 84-66 panalo laban sa Letran at samahan ang wala talong San Sebastian College at reigning three-peat titlist San Beda sa Final Four sa 85th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Bumulusok ang bihirang gamitin na si John Lopez para sa kanyang career-high na 19 puntos kabilang ang 11 sa unang quarter nang bombahin ang Bombers at maiselyo ang ika-12th na panalo sa 14 na asignatura para makabalik sa Final Four sa ikatlong sunod na pagkakataon.

Sa inisyal na laban, binalewala ang 10 puntos na pagkakabaon sa dulo, taas noong bumandera ang Mapua Cardinals at basagin ang Perpetual Help sa pamamagitan ng 62-56.

Sumakay sa positibong layunin ni Jason Pascual, walang humpay na tumipa ito ng 15 points para iangat ang kalibre ng grupo bagaman napatalsik na sa liga.

Samantala, para sa juniors division, binaon ng Letran ang Jose Rizal, 114-93 para umusad papalapit sa minimithing twice to beat bonus sa Final Four na may 15th sunod na panalo.

Sa kabilang banda, pinaluhod rin ng Perpetual ang Mapua, 93-75. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments