NBA Legends vs PBA stars ngayon na
MANILA, Philippines - Puspusan ang ensayo, tutuparin ng NBA legends ang pangakong gagawin nilang umaatikabo at mas kaabang-abang ang bawat eksena ng pinakahihintay na paghaharap ng NBA Legends at PBA All stars ngayong gabi sa Araneta Coliseum.
Tutok sa kanyang pagsasanay, hinahasa ni two-time NBA slam dunk king Dominique Wilkins ang kanyang kapasidad sa shooting kahapon sa Ynares Sports Center para mahandugan ang mga manonood ng isang magandang laban. Habang matindi rin ang paghahanda ng PBA All Stars sa The Arena sa San Juan upang bumandera sa 2009 NBA Asia Challenge Series na magsisimula dakong alas-7:30 ng gabi.
Katuwang sa pagbitbit ng responsibi-lidad, tutulungan ni Kareem Abdul Jabbar si Rory White para igiya ang American league na kinabibilangan ng D-league standouts na sina Derrick Dial, Marcus Habbard, Chris Ellus, Lanny Smith, Russell Robinson at Billy Thomas na dating PBA import ng Tanduay Rhum Masters.
Habang ipaparada naman ni coach Yeng Guiao sina Alvin Patrimonio, Allan Caidic, Ronnie Magsanoc, Benjie Paras, Kenneth Duremdes, Wynne Arboleda, Dondon Hontiveros, Marc Pingris, Jay-R Reyes, Arwind Santos, Asi Taulava, Joachim Thoss, Enrico Villanueva at Joseph Yeo para sa Pilipinas.
“We prepared as hard as we can in the short time we had to practice. I do think we can give them a good fight while making the game fun and enjoyable at the same time,” wika ni Guiao .“Although we’re awed at the prospect of playing our idols, we’ll try our best to have the satisfaction of competing with them or beating them,” dagdag pa niya.
Ngunit para mas maging epektibo ang diskarteng ilalatag, gagawin niya ang kombinasyon ng 4 na aktibong manlalaro kasama ang isang legend. “I’ve seen our legends in practice. They still have the touch. Their skills are intact. Their problem is that they’re not having the playing condition that they had before,” ayon pa kay Guiao. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending