MANILA, Philippines - Dumating na sa Mexico kahapon si Donnie "Ahas" Nietes mula sa Los Angeles, California para sa kanyang pagdedepensa sa suot niyang World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown.
Itataya ni Nietes ng Murcia, Bacolod City ang kanyang WBO title laban kay Mexican challenger Manuel "Chango" Vargas sa Setyembre 12 sa "Latin Fury XI" sa El Palenque dela Feria sa Nayarit, Mexico.
Nagbabandera si Nietes ng 24-1-3 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, samantalang taglay naman ni Vargas ang 26-3-1 (11 KOs) slate.
Halos tatlong buwan na namalagi si Nietes sa Los Angeles bunga ng ilang beses na pagkakaantala ng kanilang banggaan ni Vargas. Isa na rito ay ang kumakalat na Influenza A (H1N1) virus.
Unang itinakda ang naturang Nietes-Vargas world championship noong Mayo 16 bago ito nailipat noong Hulyo 18 at noong Agosto 1.
Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng 27-anyos na si Nietes, inangkin ang bakanteng WBO minimumweight belt via unanimous decision kay Pornsawan Kratingdaenggym noong Hulyo ng 2007 sa Cebu City, ang kanyang pagsasanay sa Wild Card Boxing Gym ni Freddie Roach.
Ito ang ikatlong pagkakataon na ide-depensa ni Nietes ang kanyang hawak na korona makaraang talunin sina Eddy Castro ng Nicaragua via second-round TKO noong 2008 at Erik Ramirez ng Me-xico mula sa isang unanimous decision sa Oaxaca, Mexico noong Pebrero.
Makakasama ni Nietes sa "Latin Fury XI" si bantamweight contender Z "The Dream" Gorres na sasagupa naman kay Cruz Carbajal.
Dinadala ni Gorres, minsan nang natalo kay world super flyweight champions Fernando Montiel ng Mexico at nakahirit ng draw kay Vic Darchinyan ng Armenia, ang 29-2-2 (16KOs) slate kumpara sa 29-16-2 (25KOs) ni Carbajal. (Russell Cadayona)