Englishmen pinayuko nina Reyes at Bustamante
MANILA, Philippines - Nagbalik ang mahika, naglista ng lopsided na tagumpay ang tambalang Efren "Bata" Reyes at Francisco "Django" Bustamante sa inaasahang mahigpit na labanan sa quarterfinals kontra kina Darren Appleton at Imran Majid ng England sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PartyCasino.net World Cup of Pool sa The Annex ng SM North Edsa Mall sa Quezon City.
Nag-aapoy sa init patungo sa huling tatlong laro, pinayuko ng Pinoy duo ang parehas nina Appleton at Majid, 9-1 upang itakda ang kapana-panabik na semifinal duel kina dating World Cup title holder Fu Jian-bo at Li He-wen ng China.
Pinatalsik ng Chinese team ang defending champion pair nina Rodney Morris at Shane Van Boening, 9-5, upang masungkit ang unang slot sa semis.
Bumangon mula sa matamlay na panimula , nag-rally sina Fu at Li mula sa 1-3 deficit upang mapatalsik ang mga Amerikano at palakasin ang kanilang kampanya para sa kanilang ikalawang korona.
At dahil dito, makakalaban ng Chinese pair sina Reyes at Bustamante, ang kampeon noong unang itanghal ito noong 2006 sa Rotterdam, Netherlands.
Gamit ang mahika at breaks sa mesa, halos hindi man lang nabigyan ng matinding hamon ang Pinoy duo na sina Reyes at Bustamante para dispatsahin ang Englishmen.
Umusad din sa semis ang 3rd pick na sina Thorsten Hohmann at Ralf Souquet ng Germany nang malusutan nila ang Dutch pair nina Niels Feijen and Nick van den Berg, 9-7. Kasalukuyan namang naglalaban pa ang RP-A nina Ronnie Alcano at Dennis Orcollo kontra sa Poland team, habang sinusulat ang balitang ito. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending