Maraming inis kay Koncz at Gacal

MANILA, Philippines - Marami ang nadidismaya sa adviser ni Manny Pacquiao na si Michael Koncz at maging ang abogado nitong si Franklin ‘Jeng’ Gacal.

Ayon sa 411mania.com. ang mga advisers na ito ni Pacquiao ang maaaring magpabagsak sa kanya habang ang kanyang trainer na si Freddie Roach at ang promoter na si Bob Arum ang mga taong may malasakit sa kanya.

Ayon sa isang artikulo sa naturang website sinasabing maraming tao ang nagsasabing hindi dapat pagkatiwalaan ni Pacquiao si Koncz dahil isa siyang dayuhan at may mga boksingerong Pinoy na rin itong niloko gaya nina Abe Concepcion at Juanito Rubillar.

Nauna nang nagpaha-yag ng pagkainis si Roach kay Koncz na diumanoy nagsabing isa lamang trainer si Roach at hindi siya dapat pakinggan ni Pacquiao.

Kung hindi din dahil sa buyo ng dalawang ito, natuloy na sana ang Pacquiao-Mayweather bout. Sila rin diumano ang dahilan para hindi pumayag si Pacquiao sa hatian ng kita.

May mga nagsasabing hindi dapat paniwalaan ni Pacquiao ang lahat ng sinasabi ng dalawang ito.

Sa isa pang website na 411mania.com. sinabing maaring matulad si Pacquiao kay Tyson kung patuloy siyang nakikinig sa ibang tao.

Sinasabing pinagkakakitaan lamang siya ng dalawang ito at si Roach ang tunay na nagmamalasakit sa kanya.

At dahil nagdesisyon na si Pacquiao na gawin ang kanyang training sa Baguio City walang nagawa si Roach kundi sundin ang kanyang fighter. (Mae Balbuena)

Show comments