MANILA, Philippines - Mula sa isang malupit na come-from-behind, nagulantang ang Croatia nang sungkitin ng Japan ang tagumpay, 8-6 at maging ikaapat na Asian team na lumusot sa Round of 16 ng PartyCasino.net World Cup of Pool sa SM North EDSA Annex Activity Center.
Umatake sa mga krusyal na miscues nina Ivica Putnik at Philipp Stoianovic, naharang nina Satoshi Kawabata at Hiyata Hijikata ang tulis ng sargo ng kalaban sa three rack deficit, 3-6 para umabante sa susunod na round at makatapat ang mananalo sa sagupaan ng Vietnam at Holland.
Kasalukuyang tinuturing na 11th seed, susugal ang Japan para maiuwi ang $60,000 cash prize at mapabi-lang sa mga pinakamahuhusay na cue artists ng reigning champion at top seed na United States, 2007 winner China at ang duo nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante
Hindi rin nagpahuli ang 2 European teams ng Italy at Finland na sumulong sa susunod na round ng nasabing World Cup.
Dinaig ng mga Italyanong sina Fabio Petroni at Bruno Muratore ang tambalang Martin Kempter at Jasmin Ouschan ng Austria sa pamamagitan ng 5-5 para iset-up ang Round-of-16 encounter kontra Reyes at Bustamante na naglalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.
Habang minanipula rin nina Mika Immonen at Markus Juva ng Finland ang match kontra sa pambato ng Sweden na sina Marcus Chamat at Tom Storm para sustinihan ang tiket sa titulo.
“We haven’t been practicing together. It’s just not possible but we’re very similar players and very good together,” ani Juva. Dahil dito, paniguradong hahatak nang mas malakas na pwersa ang tambalang Finland nang makaposte ng 4-0 lead. (SNFrancisco)