EAC sinakmal ng Red Cubs
MANILA, Philippines - Upang mapanatiling nakadikit sa namumunong Letran, inilampaso ng San Beda Red Cubs ang guest team Emilio Aguinaldo College, 121-42 sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 85th NCAA junior basketball tournament sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
Naglista ng 23 points si Adam Abatayo habang bumulsa naman ng 20 points si Marc Ludovice, at 17 points ang iniambag ni Arthur dela Cruz upang palakasin ang pwersa ng Red Cubs sa ikalabing isang pagkakataon.
Tanging ang Letran Squires lang ang namamayagpag sa kanilang 12-0 imakuladang baraha.
Sa naunang laban, kumaripas ang Jose Rizal sa pagdurog sa St. Benilde, 86-85 para makadikit sa four peat titlist San Sebastian sa ikatlong pwesto.
Naging isang malaking hadlang na sa St. Benilde ang maagang pag-atake ng Kalentong based cagers nang mabilis nitong maiposte ang 11 puntos na kalamangan 37-48.
Nakapagpakitang gilas dahil sa kanyang pinakamataas na individual scoring record na 89 points, muling humatak si Joshua Saret katuwang si Louie Vigil na nagsubi ng tig-21 points ang tumapos sa laban.
Subalit hindi agad nagpadaig ang Junior Blazers nang magawa pa nitong ilapit ang iskor sa pamamagitan ng 11-0 run sa umpisa ng third period.
Ngunit dahil sa tikas at gilas ni Vigil natabunan nito ang tres na binitawan ni Kier Sy sa hu-ling 3.8 segundo na nagtakas sa Light Bombers patungo sa tagumpay.
Ang naturang kabiguan ang naglagak sa CSB sa ikaanim na puwesto na may 5-6 marka sa likod ng 7-5 rekord ng Perpetual Help. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending