MANILA, Philippines - Rookie man na maituturing, hindi sapat ito para mabalewala ang kakayahan ni Terrence Romeo na ipinamalas para sa Far Eastern U-Nicanor Reyes Educational Foundation (FERN), 72nd UAAP Juniors basketball tournament.
Matapos bumomba ng 83 puntos para sa 104-55 panalo ng Baby Tamaraws laban sa UPIS noong nakaraang Martes, naging sapat naman ito para mapili siyang UAAP Press Corps Accel-FilOil Player of the Week.
Binura ni Romero, transferee mula sa Letran Squires, ang 69 puntos na inirehistro ni Paolo Mendoza noong mid-90 habang naglalaro ito sa Junior Maroons at matabunan din ang dating career high na 45 puntos na inilista nang banderahan niya ang FEU-FERN sa pagdurog sa Adamson Baby Falcons, 75-58 noong opening.
Ikinonekta niya ang 29 sa kanyang 42 two-point field goal attempts, tumira ng lima sa kanyang 22 pagtatangka sa tres at nagpako ng 10 sa kanyang kabuuang 13 freethrows sa loob ng 31 minuto niyang paglalaro bago ito na foul out.
Sinabi naman ni Baby Tamaraws coach Horacio Lim, na ang koponan ay malakas na kontender sa Final Four, na sinabihan niya ang kanyang 6’4 na bataan na wasakin ang dating record.
"Noong gumawa na siya ng 30 points sa first half, sinabi ko kay Romeo na go for the record," wika ni Lim, na hinayaan niyang umiskor si Romero ng lahat ng puntos ng FEU sa ikatlong yugto.
Dahil sa matinding performance na ito, naungusan ni Romero ang senior division player na sina Miguel Reyes ng University of the Philippines, Kirk Long ng Ateneo at Pari Llagas ng University of the East para sa lingguhang parangal na iginagawad ng grupo ng mga manunulat mula sa pangunahing broadsheet at tabloids sa bansa na nagkokober ng event. (Sarie Nerine Francisco)