Reyes vs Gallego sa Villar Cup finals
DAVAO CITY, Philippines — Kinailangang hukayin ni Efren “Bata” Reyes ang kanyang malalim na karanasan upang makaiwas sa upset laban kay Jomar de Ocampo at umiskor ng pinaghirapang 10-7 victory para makapasok sa finals ng The Manny Villar Cup Kadayawan Leg kahapon sa dinumog na activity area ng NCCC Mall dito.
Naitakda ang laban ng 55-gulang na Magician kay former leg winner Ramil Gallego para sa titulo at P300,000 top prize na nakataya sa prestihiyosong island-hopping series na ito na handog ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Senator Manny Villar.
Sinibak ni Gallego, ang Villar Cup Bulacan leg titlist, si Cebu leg champion at top local bet Gandy Valle, 10-4, sa kanilang semifinals match.
Hindi naging madali ang panalo para kay Reyes nang magpamalas si De Ocampo ng kanyang A-game at hindi na-pressure kontra sa kalabang kinikilalang best cue artist sa buong mundo at sa maingay na Davaoeno crowd na kampi kay Reyes.
Nanalo si De Ocampo, ang 20-gulang na pambato ng Alaminos, Pangasinan, sa lag ngunit si Reyes ang nakakuha ng unang dalawang racks, bago nakatabla ang huli sa 2-2.
Nakuha ni Reyes ang dalawang sunod na frames para kunin ang trangko ngunit hindi hinayaan ni De Ocampo na makalayo ng husto si Reyes.
Ang finals match ay pinaglalabanan kagabi kasunod ang awarding ceremonies na pamumunuan ni Senator Villar.
- Latest
- Trending