MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling tatangkain ni Filipino challenger Rodel Mayol na maagaw kay Ivan “Iron Boy” Calderon ang suot nitong world light flyweight crown.
Magsasagupa sina Mayol at Calderon sa Setyembre 12 sa Coliseum de Jose Miguel Agrelot sa Puerto Rico.
Sa isang press conference kahapon sa San Juan, Puerto Rico, ipinangako ng 28-anyos na tubong Mandaue City, Cebu hindi na mauuwi sa technical draw ang kanilang laban ng 34-anyos na si Calderon.
“I am training very hard for this fight because I want the title and I know that I will win the title on September 12,” wika ni Mayol, nagbabandera ng 25-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs.
Itinigil ni referee Benjy Estevez, Jr. ang naturang laban nina Mayol at Calderon noong Hunyo 13 sa Madison Square Garden sa New York nang magkaroon ng accidental headbutt ang World Boxing Organization (WBO) light flyweight titlist sa fourth round.
Inamin naman ni Calderon, nagdadala ng 32-0-1 (6 KOs) card, na nagkamali siya sa kanyang laban kay Mayol.
“I made many mistakes in the first fight when I wanted to impress my fans and those watching TV, but this time I’m going to do my job,” paniniyak ni Calderon. “My boxing style is to hit and not get hit.”
Nagtangka na rin si Mayol na makaagaw ng isang world boxing title ngunit nabigo kay Mexican Ulises “Archie” Solis para sa International Boxing Federation (IBF) light flyweight via eight-round TKO noong Agosto 4, 2007 sa Allstate Arena sa Rosemont, Illinois.
Ang nasabing IBF belt ay hinubad naman ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria kay Solis mula sa isang 11th-round TKO noong Abril sa Araneta Coliseum. (Russell Cadayona)