MANILA, Philippines - Tulad ng kanilang nais, muling iginupo ng Far Eastern University ang National University, 76-66 at makisosyo sa liderato sa Ateneo University sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 72nd UAAP basketball tournament sa Araneta Coliseum.
At upang magawa ang adhikaing makasama ang Blue Eagles , nagtulung-tulong sina Reil Cervantes, Aldrech Ramos at Andy Barroca para tuluyang pabagsakin ang Bulldogs at makalapit sa Final Four.
Pinatotohanan din ng Tamaraws ang kanilang unang panalo sa Bulldogs sa unang round, at makasama ang Blue Eagles sa unahan sa magkatulad na 8-1 marka, na may tatlong buong laro na layo sa University of Santo Tomas at University of the East.
Ngunit hindi kuntento si FEU coach Glen Capacio.
“I’m not contented with our game because we’re playing their tempo not ours. It shouldn’t be that way. We have to be assertive going into the more important games,” pahayag ni Capacio.
“I think we’re now two games away from clinching a slot in the Final Four. We’re going for a twice-to-beat advantage. It’s crucial in the Final Four,” dagdag pa niya.
Muling nagpamalas ng impresibong laro sina Cervantes at Ramos na kapwa nagtala ng double-double. Kinapos naman si Barroca para sa ouble-double achievement na ito para sa Tamaraws na nakalayo ng hanggang 21 puntos.
Bumanat ng 14 puntos at 11 rebounds si Cervantes, habang naglista naman si Ramos ng 12 puntos at 13 rebounds.
Sa insiyal na laro sa seniors, nagtatag ng 31 puntos na pundasyon ang University oe Santo Tomas sa ikatlong yugto ng laro upang hiyain ang University of the Philippines, 93-88.
Nagsama-sama sa pagkayod sina Dylan Ababou, Clark Bautista, Jeric Fortuna, Khasim Mirza at Chris Camus na tumumpok ng walong puntos upang hiyain ang mga Maroons na sina Alvin Padilla, Miguel Reyes, Magi Sison, Carlo Gomez at Francis Maniego.
Nagkamada din ng kanilang sariling ambag sina Jeric Teng, Allein Maliksi at Carmelo Afuang para makabawi ang Tigers mula sa 67-75 na kabiguan sa Tamaraws noong Linggo at makahabol sa UE sa ikatlong posisyon sa magkatulad na 5-4 marka.
“Obviously, it’s not a good win as we squandered a 31-point lead. But a win is a win. The important thing is we pulled through,” ani UST coach Pido Jarencio. (Sarie Nerine Francisco)