Hindi pumutok sa dulo!
Nagmistulang watusi ang Jose Rizal Heavy Bombers sa huling yugto ng first round ng eliminations ng 85th National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament kung saan natalo sila nang dalawang beses para bumagsak sa ikatlong puwesto sa record na 7-2.
Maganda ang naging simula ng Heavy Bombers kasi parang maganda ang schedule ng mga laro nila. Halos nagkapanabayan sila ng San Sebastian Stags sa pagiging leader hanggang sa kapwa sila makapagtala ng anim na sunod na panalo.
Nagharap ang Heavy Bombers at ang Stags noong Agosto 3 upang paglabanan ang solo liderato. Sa larong iyon ay nalasap ng JRU ang una nitong kabiguan nang durugin ng Stags ang Heavy Bombers, 91-76.
Pansamantalang nakabangon ang JRU at ibinunton nila ang galit sa College of St. Benilde Blazers, 73-63 noong Agosto 7. Subalit makalipas ang tatlong araw ay muli silang nabigo sa kamay ng nagtatanggol na kampeong San Beda Red Lions, 96-81. Labanan iyon ng dalawang teams na nagtagpo sa best-of-three Finals noong nakaraang season at pinatunayan ng San Beda na angat pa rin ito sa JRU.
Bunga ng panalo ng Red Lions ay nakaangat sila sa ikalawang puwesto sa likod ng San Sebastian. Alam naman nating lahat na importante para sa isang koponan na magtapos sa top two sa double round eliminations upang magkaroon ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
Well, kung ngayon natapos ang kabuuan ng elims, ang Red Lions at ang Stags ang siyang may twice-to-beat advantage. Ibig sabihin, para makabalik sa championship round ay kailangan ng JRU na magwagi nang dalawang beses.
Pero hindi pa naman tapos ang elims. Nasa kalagitnaan pa lang naman ang elims at may tig-siyam na games pa ang lahat ng teams. So may sapat na panahon at pagkakataon pa ang JRU na makabawi sa second round.
Ang siste’y hindi naman tsamba ang panalo ng SSC at SBC. Hindi rin ito bunga ng endgame breaks na napunta sa Red Lions at sa Stags. Convincing ang mga panalong ito dahil kapwa 15 puntos ang inilamang ng SSC at SBC sa JRU.
So, doon pa lang ay nakitang may problema na si coach Ariel Vanguardia.
Ang problema’y kapag umasa nang husto ang JRU sa leading scorer nitong si John Wilson. Kasi, kontra SSC ay nalimita si Wilson sa season-low nine points. Laban sa SBC ay 13 lang ang ginawa nito.
Bunga ng dalawang games na iyon ay bumaba nga ang scoring average ni Wilson buhat sa 21 puntos hanggang sa 18.67 sa first round.
Kasi nga, apat lang ang dependables ni Vanguardia. at ito’y sina Wilson, Mark Cagoco, Marvin Hayes at James Ryan Sena. Ang kailangan ni Vanguardia ay magkaroon pa ng ibang scoring options. Pero tila huli na para mag-develop pa. Kasi nga’y dapat sa first round pa lang ay nasimulan na ang paghahanap ng karagdagang sandata.
Baka imbes na makapagpaputok sa NCAA, ito’ng JRU ang maputukan?
Wag naman!
- Latest
- Trending