MANILA, Philippines - Nagsimula na si dating world no.1 Dennis Orcollo ng intensibong paghahanda para sa kanyang nalalapit na laban kontra kay Yang Ching-shun sa Face Off Series 2-One More Time sa September 8 sa Club Capo sa Tomas Morato sa Quezon City .
Nagpapractice ngayon si Orcollo ng dalawang beses sa isang araw na mahigit 200 racks kalaban ang mga top Filipino cue artists sa challenge matches para sa hangaring manalo sa race-to-50, 10-ball match na inorganisa ng Club Capo, na ipapalabas ng live sa Solar Sports at may live streaming sa internet sa www.jbet.net.
Ito ang unang pagkakataong magkikita sina Orcollo at Yang sapul nang talunin ng Taiwanese si Orcollo sa kanilang race-to-60 challenge match noong 2007 sa Gateway Mall sa Quezon City.
Bukod sa bragging rights, paglalabanan nina Orcollo at Yang ang $10,000 top purse.
Ang Orcollo-Yang rematch ay simula lamang ng series ng challenge matches na inihahanda ng Club Capo ay nagpaplanong pagharapin ang walo pang pares ng world-class cue artists sa bawat taon.
Pagkatapos nito, planong isunod ng Club Capo ang laban nina Francisco “Django” Bustamante at American Rodney Morris at nina Lee Van Corteza kontra kay Shane van Boening sa November.
Ang iba pang nakalinyang laban ay 2007 World Pool Championship finalists Roberto Gomez versus Darryl Peach ng England; Ronnie Alcano versus former world champion Wu Chia-ching ng Singapore; doubles match tampok ang tandem nina Efren “Bata” Reyes at Bustamante laban sa duo nina Orcollo at Alcano, gayundin ang pares nina Bustamante at Gomez kontra kina Johnny Archer at Van Boening, at ang Alcano-Johann Chua tandem laban kina Yang-Ko Pin-yi; at ang sagupaan nina Reyes at Archer. (Mae Balbuena)