Lindawan hari sa Baguio leg

BAGUIO City, Philippines – Ipinakita ni Jerry Lindawan sa kanyang mga kalaban na forte niya ang mountain climbing matapos pagwagian ang Bagjuio leg kahapon sa 33rd National Milo Marathon elimination na nagtapos sa Burnham Park.

Nagpakita ito ng lakas kahit hindi gaanong nakapag handa dahil abala ito sa kanyang pananim na gulay nang tapusin niya ang 21k course sa loob ng 1:15.38 at nakakuha rin ito ng ticket sa finals kung saan makakasama niya ang iba pang provincial qualifiers para hamunin ang reigning champion na si Eduardo Buenavista para sa top prize na P75,000.

Si Lindawan lamang ang runner na nag-qualify dahil ang iba ay hindi nakaabot sa 1:15 qualifying mark sa men’s division.

Sina Hernane Sore and Julius Bay-Anm na second at third, ayon sa pagkakasunod ay naorasan sa bilis na 1:17.22 and 1:22.40 at hindi nagqualify. Nagkasya sila sa P6,000 at P4,000 prize ayon sa pagkakasunod.

Ang women champion na si Mary Sugot ay hindi rin nag-qualify sa finals, matapos magsumite ng oras na 1:36.55, hindi umabot sa 1:35 qualifying mark para sa kababaihan. Nagkasya siya sa top prize na P10,000.

Pumasok si Rowena Francisco bilang second sa oras na 1:43.11 na may halagang P6,000 premyo at si Sandi Abahan ang third sa oras na 1:43.35 na nagkakahalaga ng P4,000.

Nanalo si Cesar Castaneto sa 10k sa oras na 36.33 at nanguna si Flordeliza Donos sa distaff side sa oras na 41.20 matapos talunin si Marychell Morale (49.55).

Mahigit 4,000 runners ang sumali sa Baguio edition na sinuportahan din ng Department of Tourism at Bay View Park Hotel Manila.

Show comments