MANILA, Philippines - Handang handa na ang lahat para sa pagsargo ng pinakaaabangang rematch sa pagitan ng former world No.1 Dennis Orcollo at Taiwanese money game king Yang Ching Shun sa tapatang pinamagatang Face Off Series 2-One More Time na nakatakdang umeksena sa Setyembre 8, sa Club Capo sa Tomas Morato, Quezon City.
Matapos mawalis ni Yang sa race to 60 challenge match si Orcollo noong 2007 sa gateway Mall, Quezon City, ito ang unang pagkakataon na muling silang magkakaharap.
“I’m happy that Yang accepted my challenge for a rematch as I really want to avenge my loss against him the last time,” wika ni Orcollo.
Tinatayang darating sa bansa si Yang sa mga susunod na linggo upang ibandera ang race to 50, 10 ball match na inorganisa ng Club Capo na ieere sa Solar Sports.
Samantala, magsisilbing simula ang Orcollo-Yang rematch ng serye ng mga tapatan na ilulunsad ng Club Capo. Ang serye ay suportado ng Billiards at Snooker Congress of the Philippines, Billiards Managers and Players Association of the Philippines at Bugsy Promotions.
Matapos ang unang handog, pinapalantsa na rin ang engkwentro sa pagitan ni Francisco ‘Django” Bustamante at Amerikanong si Rodney Morris at Lee Van Corteza kontra Shane van Boening sa Nobyembre.
Ang iba pa sa mga napipisil na matches ay ang labanan ng 2007 World Pool Championship finalists na sina Roberto Gomez at Darryl Peach ng England, Ronnie Alcano versus former world champion Wu Chia-ching ng Singapore; scotch doubles match na magtatampok sa tandem nina Efren “Bata” Reyes at Bustamante kontra sa duo nina Orcollo at Alcano, maging ang pares nina Bustamante at Gomez versus Johnny Archer at Van Boening, at Alcano-Johann Chua laban kina Yang-Ko Pin-yi; at ang duelo sa pagitan nina Reyes at Archer. (Sarie Nerine Francisco)