MANILA, Philippines - Puntirya ang ikalimang panalo, tutumbukin ng Far Eastern University ang pananaig kontra University of Sto. Tomas upang makahabol sa Ateneo sa unahan sa kabila ng pagpupursige ng University of the East na masungkit ang Final Four Bid laban sa University of the Philippines sa pagpapatuloy ng UAAP seniors basketball tournament sa Araneta Coliseum ngayon.
Matapos ibasura ang Maroons sa pamamagitan ng 77-65 bentahe noong Sabado, ikukubra ng Tams ang pananaig sa pang alas-kwatrong engkwentro kontra Tigers upang makasalo sa tuktok ang Eagles makaraang paluhurin ang National U sa isang mabilisang laban na pumoste ng 75-47 karta.
Para kay FEU coach Glenn Capacio, isang mabisang pormula ang ipantatapat niya sa makapangyarihang duo nina Dylan Ababou at Khasim Mirza. Base sa naitalang rekords, nag-lilista ng 20.8 at 17.4 scoring sina Ababou at Mirza, ayon sa pagkakasunod.
“They’re UST’s main men and we need to at least make life difficult for them,” ani Capacio.
Samantala, hangad namang makabangon ng UST Tigers sa pagkakalubog nito matapos matamo ang pagkatalo sa isang pukpukang bakbakan kontra La Salle na inabot ng double overtime, 92-101.
Habang naging mailap naman ang kapalaran para sa Adamson Falcons matapos yariin ng UE sa isa pang double overtime na laban, 95-91, na siyang naglagay sa UE sa ikaapat na pwesto karibal ang Tigers.
Bumilang ng tatlong taon, nagapi lamang ng Maroons ang Warriors sa pamamagitan ng mabagsik na kombinasyon nina Woody Co, Martin Reyes, Arvie Braganza, Magi Sison at Miguel De Asis.
“It’s a very critical game for us. We’re in a precarious situation having lost two games already. And facing a tough and relentless foe, who at 1-4, we’ll surely treat the game like it’s a do or die,” pahayag ni UE coach Lawrence Chongson.”It’s a must that more than our talent and skills, we must come out with a lot of smarts as well,” dagdag pa nito. (Sarie Nerine Francisco)