SSC Stags solo na sa unahan
MANILA, Philippines - Upang muling maka-balik sa unahan, nagpa-kawala ng 23 puntos si Jimbo Aquino na kinapalooban ng pitong puntos sa ikaapat na yugto ng labanan nang pigilan ng San Sebastian College ang tangkang rally ng Jose Rizal University at igupo ito sa 91-76 sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Ang panalo ng Stags ay kanilang ikapitong sunod na panalo na nagbigay sa kanila ng solo liderato.
“He’s really a clutch performer but if he could nurse his fouls a little bit, he’ll be more dangerous,” wika ni San Sebastian coach Ato Agustin, na nagdiwang ng kanyang ika-46 kaarawan noong Sabado.
Nakontrol ang kamador na si John Wilson sa 9 puntos mula sa tatlong tres sa 13 pagtatangka.
“Our game plan was really to stop (John) Wilson and we did a great job on him,” ani Agustin, dating PBA MVP.
Samantala, bumulusok ang kalibre ng Perpetual Help sa makapigil hi-ningang engkwentro nito kontra Mapua, matapos tambangan ang kalaban at tibagin ang depensa nito sa pamamagitan ng 72-71 marka .
Naglista ng 21 points, rumatsada si Raffy Ynion kabilang ang go-ahead basket sa huling minuto ng pagkubra ng Altas sa kanilang ikalawang sunod na panalo kontra sa 5 beses na pagkatalo upang mapanatili ang tiket sa Final Four.
Bagamat maraming pagkakataong maaring matisod ng Cardinals ang panalo subalit bigong maangkin nang magmintis si Erwin Cornejo sa kanyang game winning triple sa huling segundo ng dikdikang labanan.
Dahil dito, maligayang nagdiwang ang Altas nang makumpleto nila ang kagila-gilalas na pagbabalik mula sa 10 points distansya sa third period.
Samantala, sa juniors game, pinayuko ng Altalettes ang Red Robins, 97-89 at dinaig ng Light Bombers ang Staglets, 93-87 para patatagin ang kanilang puwesto sa Final Four. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending