MANILA, Philippines - Bumangon mula sa pagkakalasap ng pagka-talo, binuhos ng defending champion Ateneo ang lakas ng bawat isa para gapiin ang Adamson sa pamamagitan ng 61-51 marka.
Humugot ng puntos mula sa ibang kaalyado, nailusot ng tropa ang tagumpay sa kabila ng pananamlay ng performance ni reigning MVP Rabeh Al Hussaini, para masolo ang liderato sa 72nd UAAP basketball tournament sa Big Dome.
Matapos magmintis ng 10 mula sa 13 shots, nakuha ng 6’7 na si Al-Hussaini ang pinakamababa nitong puntos magbuhat nang umiskor lamang ito ng 2 points kontra Falcons noong nakaraang season.
Mabuti na lamang at sinagip nina Eric Salamat at Jai Reyes ang tropa ng maglista ito ng umaatikabong 16 at 10 points ayon sa pagkakasunod upang manumbalikin ang momentum pabor sa Eagles.
Maging ang sophomore na si Justin Chua ay bumulsa ng 8 puntos sa loob ng 11 minutong paglalaro.
“We struggled a little bit because Rabeh struggled in this game, he had difficult time scoring and he’s a big part of our offense but the other guys stepped up, Eric stepped up, Jai stepped up and some of the bench players also stepped up,” pahayag ni Ateneo coach Norman Black.
Dahil sa panalo, medyo napawi ang lungkot na dulot ng pagkatalo sa kamay ng UP Fighting Maroons noong Linggo.
“It was a very difficult win for us because we’re coming off from a loss from supposedly the weakest team (UP) in the league so its just the physical part of it that you have to get back,” ani Black.
Sa naunang laban, dinurog ng La Salle ang National U,68-48 kung saan maging sa simula ay hindi na nakaporma pa ang Bulldogs.
Pinagpursigehang maiuwi ang panalo, nakubra ng Archers ang ikatlong panalo para mapaganda ang 3-2 rekord. (SNF)