Ababou, UAAP Player of the Week
MANILA, Philippines - Isa na namang Tiger ang gagawa ng pangalan sa larangan ng basketball kapalit ni Jervy Cruz at ito ay walang iba kundi si Dylan Ababou.
Ang 6’3 na si Ababou, miyembro ng Smart Gilas team ay nagpakita ng kanyang husay bilang bagong lider ng UST makaraang umiskor ng 28 puntos upang banderahan ang Tigers sa isang come-from-behind na panalo, 92-88 laban sa University of the East noong Sabado sa UAAP seniors basketball tournament.
At dahil dito, napili siya ng UAAP Press Corps bilang Accel-Filoil Player of the Week sa pagpasok ng UST sa three-way tie kasama ang defending champion Ateneo at Far Eastern University sa unahan ng team standing.
“I have to be more of a leader this year because if I take charge of this team it would help the rookies and sophomores gain more confidence,” wika ni Ababou.
At higit na nakita ang kanyang impresibong performance sa laban nila kontra sa UE kung saan kumamada ito ng 11 puntos sa huling yugto ng laro sa huling limang minuto na tinampukan ng three point play sa foul ni Paul Zamar ng UE may 1:17 ang nalalabi na nagselyo sa 84-79 pagbangon ng UST. Naungusan ni Ababou sa parangal na iginagawad ng mga sportswriters sina Mark Barroca ng FEU, Kish Co ng La Salle at Woody Co at Mark Lopez ng UP. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending