Kazakhstan pinayuko ng Powerade Team Pilipinas

TAIPEI — Makalipas ang dalawang sunod na kabiguan, nakabangon na ang Powerade Team Pilipinas itinala ang unang panalo sa 31st William Jones Cup sa pamamagitan ng 85-67 tagumpay laban sa Kazakhstan sa Hsinchuang Gymnasium dito kahapon.

Sa likuran ng starting combination nina Japeth Aguilar, Asi Taulava, Willie Miller, James Yap at Gabe Norwood, malakas ang naging dating ng Nationals at masustina ang kanilang pananalasa upang igupo ang Kazakhs sa kauna-unahang pagkakataon, sapul noong 1998 Bangkok Asian Games.

Bagamat mas maliit at payat, ginamit ng Nationals ang kanilang running game na binanderahan ni Miller at nang nagbabalik na si JayJay Helterbrand.

Nagmarka din ng maraming ‘una’ ang RP-Kazakh game para sa Nationals. Ito ang unang pagkakataon na malakas ang kanilang simula, nagdikta ng tempo at kumana ng husto sa lahat ng anggulo para sa kanilang panalo.

Malas lang at iilan lamang overseas worker ang nakasaksi ng laban dahil pawang mga nasa trabaho sila sa oras na iyon.

“It can’t be said this is already an indication of what would happen in Tianjin because everybody’s just feeling each other out. It’s more of strategic for most of the teams here,” ani RP coach Yeng Guiao.

“The important thing is that we’re improving and we’re getting used to the brand of play in international competitions,” dagdag ni Guiao.

Ang Kazakhstan, na umaangat sa rehiyon bilang malakas na koponan, ay isang potensiyal na kalaban ng Philippines sa quarterfinal round sa Tianjin. At ibang istorya na ito dahil tatlong Kazakh star players ang makakasama sa Tianjin.

Nakatakdang harapin ng Powerade Team Pilipinas ang Japan ngayong alas-3 ng hapon.

Patuloy naman sa impresibong laro ang ipinamamalas ni Japeth Aguilar sa kanyang naitalang 11 puntos, 4 rebounds, 2 blocks at 1 assist .

Ito naman ang unang laro ni Helterbrand sapul noong PBAAll-Star at tumirada ito ng 7 puntos, 2 rebounds, 2 assists at 1 steal sa loob ng 16 na minutong pagbababad sa court.


Show comments