MANILA, Philippines - Iniwanan ni Fernando Subayno ang dalawang kalaban sa huling nine kilometers upang makopo ang Butuan leg ng 33rd National MILO marathon elimination kahapon na nagsimula at natapos sa Saint Joseph Church.
Ang 25-gulang na magbubukid mula sa Sibagat, Agusan del Sur na limang beses nang tumakbo sa karerang ito ay nakalayo kina Angelito Sibayan at Jobert Carolino, para tapusin ang karera sa loob ng isang oras, 14-minuto at 58 segundo.
Sa Santiago City, Isabela, nanalo si Francisco Dinaming sa oras na 1:16.49, ngunit ‘di umabot sa 1:15.00 qualifying standard sa men’s division. Ngunit nag-uwi pa rin ito ng P10,000 at trophy.
Walang pumasok sa finals sa women’s side dahil walang umabot sa1:35.00 time limit na itinakda ng organizers.
Naorasan si Sibayan, criminology graduate sa University of Mindanao, ng 1:16.08 at si Carolino, 24 mula sa Tagum, Davao del Norte, ay 1:17.52.
Nakihati sa limelight si Michell Ann Azarcon, government employee na may asawang driver, sa pangunguna sa women’s side sa oras na 1:36.00. ngunit hindi umabot sa 1:35.00 qualifying standard sa women division.