Tagilid!
Iyan ang naibulalas ng ilang kaibigan kong supporters ng La Salle matapos na matambakan ng University of the East Warriors ang Green Archers, 65-46 sa pagsisimula ng 72nd season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) noong Sabado.
Aba’y napakalaki naman ng winning margin na iyon at parang hindi sanay ang mga tao na makitang nadudurog ang Green Archers. Kasi nga’y perennial powerhouse team ang La Salle at palagi itong title contenders.
Kahit na nga nasuspindi ng isang taon ang La Salle, pagbalik nito noong 2007 ay kaagad na sinungkit nito ang kampeonato nang talunin sa finals ang UE Warriors na noon ay pinapaboran at itinuring na powerhouse.
Pero ano’t nagkaganito ang La Salle?
Sabihin na nating napakaraming baguhan ni coach Franz Pumaren. Pero hindi basta-basta ang kanyang mga rookies dahil sa mga national players ito. Nakapaglaro na ito sa ibang bansa at sanay sa international competition. So, kahit na rookie ang estado nila sa UAAP, hindi dapat ganoon ang kanilang performance sa kanilang opening game.
Hindi naman puwedeng sabihin na nagkulang sa preparasyon si Pumaren dahil sa nagtungo pa nga sila sa Estados Unidos kung saan sumailalim pa sila sa dating trainer ni Michael Jordan na si Tom Glover.
Lumahok din sila sa Filoil Flying V pre-season MVP Cup kung saan nakapanggulat sila sa simula ng torneo at tinalo pa nga nila ang arch rival Ateneo Blue Eagles.
So, kung tutuusin ay may asim naman ang koponan ni Pumaren.
Siguro’y maituturing na isang ‘extraordinary" na kabiguan angnalasap ng Green Archers dahil sa inspirado talaga ang Warriors sa opening day. Dedicated kasi ng UE ang panalo sa long time UAAP Board representative nilang si Bren Perez na biglangsumakabilangbuhay.
Kumbaga, sa emotional high ay hindi tinalo ng Green Archers ang Warriors.
Sa isang banda, baka nakaganda sa La Salle ang kabiguang sinapit nito sa opening day. Maituturing kasi itong isang matinding eye-opener para sa kanila.
Mauunawaan ng mga baguhan ni Pumaren na hindi porke’t nakabilang sila sa isang koponang may matinding championship tradition ay champion na sila kaagad! Kailangang pag-hirapan nila ang pagkuha sa distinction na iyon para maka-hanay ang mga matagumpay na Green Archers.
Isang linggong pagha-handaan ng La Salle ag susunod nitong game subalit mas matindi pa ang kanilang makakasagupa dahil ito’y walang iba kundi ang Far Eastern University Tamaraws na pinamumunuan ng mga Smart Gilas members na sina Mark Barroca, Aldrech Ramos at JR Cawaling.
Kapag naipakita ng Green Archers na hindi sila nasisindak sa nga national players ng FEU, kahit paano’y rerespetuhin sila sa taong ito. Pero kapag nagpasindak sila, baka wala silang mapuntahan.