MANILA, Philippines - Pinatunayan ni Rabeh Al-Hussaini ang kanyang pagiging tunay na MVP nang banderahan nito ang pagdagit ng Ateneo Blue Eagles sa FEU Tamaraws, 63-59 para sa kanilang kampanyang manapatili ang korona sa UAAP seniors basketball tournament sa Araneta Coliseum kahapon.
Tumirada ng 18 puntos si Al-Hussaini tampok ang three-point play na nagdala sa Blue Eagles sa panalo, bukod pa sa paghugot ng 8 rebounds sa kabuuan ng kanyang paglalaro.
Gayunpaman, hindi basta sumuko ang Tamaraws nang sagutin ni Aldrich Ramos ang kinamadang tres ni Al-Hussaini ng isa ring tres na sinundan ng layup ni Reil Cervantes para ilapit ang iskor sa 59-61 mula sa 61-54 bentahe ng Eagles.
Tinangka pang humirit ng overtime ng FEU nang makaraan ang split shot ni Ryan Buenafe para sa tatlong puntos na agwat nagtangka mula sa rainbow country si rookie RR Garcia ngunit sumablay ito.
Tuluyang isinelyo ng Katipunan-based dribblers ang tagumpay mula sa isang freethrow ni Al-Hussaini mula sa foul ni Mark Barroca.
“It’s a big win for us, a big morale booster. FEU is one of the toughest teams in the league and we were able to pull thru,” sabi ni Blue Eagles coach Norman Black.
Samantala, sa naunang laro, binulilyaso ng National University rookies ang diskarte ng University of the Philippines,74-64, sa maningning na performance ng grupo.
Nagtulong-tulong sa pagposte ng 32 puntos, nasikwat ng mga bagitong sina Joseph Hermosisima, Ajeet Singh at Larry Malanday ang panalo, maging ang double double performance ni Jewel Ponferrada na may 10 puntos at 13 rebounds ang nagbigay direksyon para sa kalamangan ng Bulldogs.
Bagamat napag-iwanan sa unang 10 minuto ng laro, maigting na opensa ang pinamalas ng NU para itala ang pinakamalaking abante sa laro, 70-44 patungo sa huling minuto ng laban. (Sarie Nerine Francisco)