MANILA, Philippines – Nararamdaman niyang wala nang tsansa para tanggapin ni Manny Pacquiao ang kanyang paghahamon, tuluyan nang itinigil ni Sugar Shane Mosley ang kanyang paghihintay.
Ito ang sinabi ng 37-anyos an si Mosley sa kanyang promoter na si Richard Schaefer ng Golden Boy Promotions sa panayam kahapon ng Los Angeles Times.
Ayon kay Mosley, nakatuon na ang atensyon ng 30-anyos na si Pacquiao sa kanyang pakikipagharap kay Puerto Rican world welterweight titlist Miguel Angel Cotto sa Nobyembre 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
"Shane says he'll be the last man standing, anyway," wika ni Schaefer kay Mosley, ang kasalukuyang World Boxing Association (WBA) welterweight king.
Bago itakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang Pacquiao-Cotto megafight, ipinaramdam na ni Mosley ang kanyang intensyong sagupain si "Pacman" kahit na bumaba pa siya ng timbang.
Sa pagtigil sa kanyang pangungulit kay Pacquiao, ilan sa mga sinasabing maaaring harapin ni Mosley ay sina Andre Berto, Paul Williams, Joshua Clottey at Kermit Cintron.
"Shane's legacy is intact, and it's not dependent on a Pacquiao yes or no," sabi ni Schaefer kay Mosley.
Kasalukuyang ibinabandera ni Mosley, natalo kay Cotto via unanimous decision noong Nobyembre 10 ng 2007 para sa WBA weltetrweight belt, ang 46-5-0 win-loss-draw ring record kasama ang 39 KOs.
Ang dating WBA title ni Cotto, ang World Boxing Organization (WBO) king sa ngayon, ay inagaw ni Antonio Margarito via 11th-round TKO noong Hulyo 26 ng 2008 bago ito inangkin ni Mosley mula sa isang ninth-round TKO noong Enero 24 ng 2009. (Russell Cadayona)