MANILA, Philippines - Sinunog ang daan patungo sa Metro Manila qualifying race ng 33rd National MILO Marathon, bumandera ang pangalan ni Rene Desuyo ng Bago City at Christabel Martes na nagmula naman sa Baguio nang takbuhin nang buong bilis ang 42.195 kilometer kahapon sa Quirino Grandstand.
Sa pagkubra sa kauna-unahan nitong titulo sa first full marathon, masigasig na tinapos ni Desuyo ang laban sa loob lamang ng 2:33:38 oras na siyang tumukoy sa kalamangan nito kontra two-time MILO Marathon King Allan Ballester sa huling kilometro ng laban.
Sa simula’y humarurot ang national athlete na si Ballester na nagtulak upang asintahin ang maikling oras na 2 oras at 26 minuto na tinalaga ng Philippine Track and Field Association (PATAFA). Subalit bumagal sa final stretch ng kumpetisyon, nakakita ng tsansa si Desuyo na hablutin ang panalo mula sa 2000 at 2001 MILO Marathon champion.
"Dahil siguro pinilit ko na makuha yung required time ng PATAFA naubos ako sa dulo," dismayadong pahayag ni Ballester.
Gayundin ang naging kapalaran ng two-time MILO Marathon queen na si Jho-An Banayag na naagawan ng korona ni Martes matapos mabilisang tapusin ang karera sa pamamagitan ng 2:48:58. Ito rin ang unang 42k panalo ni Martes buhat nang tanghalin itong MILO Marathon champion sa ikatlong sunod na pagkakataon noong 2001.
Bagamat apektado ng kanyang injury, nagawa pa ring tumakbo ni Banayag para sa naturang patimpalak.
"Medyo sumasakit pa rin kanina kaya medyo bumagal ang takbo ko," anang dating reyna na humakot ng parangal para sa bansa noong 2005 at 2006.
Taglay ang determinasyon, lumugar sa 3rd place sina Alley Quisay (2:37:31) para sa men’s division, at Ailene Tolentino sa womens’ round (3:16:46). (Sarie Nerine Francisco)