MANILA, Philippines - Subok ang kakayahan sa naturang isport, sinigurado ng China ang 15 quarterfinal slots sa five divisions kabilang ang lima sa centerpiece men’s singles para ilakad ang showdown sa regional rivals nitong Hong Kong at Indonesia sa Bingo Bonanza Philippine Open Badminton Championships sa PhilSports Arena, Pasig City.
Pinagpatuloy ang nasimulan, ginupo ni dating world junior champion Chen Long ang Malaysian na si Yogendran Krishnan, 21-13, 21-10 sa laro noong Huwebes para isulong ang kampanya ng Chinese bets sa Last 8 ng Gold Grand Prix event na kinikilala ng World Badminton Federation.
Samantala, binwenas si Wong Wing Kin ng Hong Kong nang sunggaban ang panalo laban sa Filipino na si Rodel Bartolome sa second round, 21-10, 21-5, para makaupo sa semifinal round ng event na handog ng Bingo Bonanza at suportado ng Philippine Badminton Association.
Dinispatsa rin ni Wong ang third seed na si Lee Tseun Seng ng Malaysia sa pamamagitan ng 21-11, kung saan nakaokupa ng 8 QF berths ang Hong Kong sa five day championship na sinusuportahan ng Victor (PCOME Industrial Sales, Inc), PLDT Business Solutions, Philippine STAR, Philippine Sports Commission, Holiday Inn, Crowne Plaza at Solar Sports.
Subalit hindi rin nagpaiwan ang Pinoy nang angkinin ni Malvinne Alcala ang qf seat sa women’s singles, at para sa men’s doubles, pinaghusayan ng Kelvin Panganiban-Gabriel Villanueva tandem ang pagpalo para sa pwesto sa quarters ng men’s doubles. Humila ng 21-17, 21-19 panalo sina Panganiban at Villanueva nang maungusan ang kababayang sina Jobett Co at Antonio Gadi para iselyo ang showdown kontra Ahsan at Septang. (Sarie Nerine Francisco)