Helterbrand Best Player of the Conference

MANILA, Philippines - Naipamalas ang giting at galing, nakopo ni Ginebra ace guard Jayjay Helterbrand ang karangalan bilang  Best Player of the Conference (BPC) sa PBA reinforced tourney sa ikalawang sunod na taon.

Naulit ang pagiging Fiesta Conference best player ni Helterbrand para ngayong season nang daigin niya sina Arwind Santos ng Burger King, Dondon Hontiveros ng San Miguel, Asi Taulava ng Coca-Cola at Jimmy Alapag ng Talk N Text.

Iginawad sa 32 anyos na produkto ng Kentucky State U na si Helterbrand ang kanyang plake ni PBA commissioner Sonny Barrios sa isang simpleng awarding bago ang Game Two ng Ginebra-San Miguel showdown sa Fiesta Conference.

Tinanghal namang Best Import si Gabe Freeman ng San Miguel nang magwagi ito kina David Noel ng Ginebra, Shawn Daniels ng Burger King at Jai Lewis ng Rain or Shine.

"I'm happy to win this award but this would mean nothing if we don't win the championship. I'm sharing the honor with my teammates who also worked hard to help where we are right now," wika ni Helterbrand, ang unang player sa nakalipas na walong taon na matagumpay na naidepensa ang BPC award.

Napagwagian ni Helterbrand ang karangalan noong nakaraang taon kontra kina Santos, Mark Caguioa at Kelly Williams.

Sina Nelson Asaytono (1997-98 All-Filipino Conferences) at Danny Ildefonso (2000-2001 Governors Cups) ang dalawang players na nakakuha ng ganitong tagumpay at kapwa nakamit ito na naglalaro sa San Miguel Beer.

Napagwagian ni Helterbrand ang karangalan sa kanyang nalistang 1,357 na malayo kina Santos (857), Hontiveros (423), Taulava (325) at Alapag (316).

Samantala, habang sinusulat ang balitangito kasalukuyang nagbabakbakan pa ang San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa Game Two ng kanilang best-of-seven titular showdown.

Show comments