Pinay bowler sasabak sa aksiyon
SINGAPORE - Babanderahan ng dating national team member at bowler na si Dyan Arcel Coronacion ang pag-agaw eksena ng ilang miyembro ng Philippine delegation sa Day 2 ng aksiyon sa Asian Youth Games dito.
May kabuuang walong gintong medalya mula sa athletics (girls’ pole vault, triple jump at shot put), bowling (boys at girls’ singles), diving (girls’ 3-meter springboard at boys’ platform) at shooting (girls’ air rifle 40) ang nakataya.
Kasama ni Coronacion na kakatawan sa Pinas sa bowling events sina Louie Fredric Chuaquico, Jose Collins, Bryan Gabay, Jason Tubid, Marie Alexis Sy, Lingling De Guzman at Madeline Llamas. Ang 16 anyos na si Coronacion, 16, ang pambatong miyembro ng bowling team kung saan marami ng torneong nilahukan ma pa-lokal man o international.
Bitbit naman ng magkapatid na Dianne Nicole at Marie Isabelle Eufemio ang tri-colored flag para sa shooting event.
Ang nag-iisang diving competitor ng bansa ay si Natassia Marie Nalus at umaasang makakapagtala ito ng malaking alon sa kanyang unang pagsabak sa international competition sa girls’ 3m springboard simula alas-10 ng umaga sa Tao Payoh Swimming Complex.
Wala namang lahok ang bansa sa athletics ngayong araw.
Sa kabilang dako, makakalaban naman ng Filipino 3-on-3 cagers ang powerhouse Iran bandang alas-9:45 ng umaga sa Aglican High School bago harapin ang Mongolians sa ganap na alas-3:45 ng hapon. Makakalaban naman ng RP cagebelles ang Kazakhs sa ganap na alas-12:45 ng tanghali.
- Latest
- Trending