Arum takot ilaban si Pacquiao kay Mosley
MANILA, Philippines – Natatakot lamang ang Top Rank Promotions na matalo si Manny Pacquiao kay American Sugar Shane Mosley kaya ito inilalaban kay Puerto Rican Miguel Cotto.
Ito ang akusasyong ginawa ni Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions sa panayam ng FightHype.com kaugnay sa pag-iwas ni Bob Arum ng Top Rank na isagupa ang 30-anyos na si Pacquiao sa 37-anyos na si Mosley.
“Pacquiao is right now young and a guy that Top Rank is protecting and is a guy they have big plans for,” wika ni Dela Hoya sa pagtatakda ni Arum sa megafight nina Pacquiao at Cotto sa Nobyembre 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ang 28-anyos na si Cotto ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBA) welterweight champion, habang si Mosley naman ang bagong World Boxing Association (WBA) welterweight titlist.
Ayon sa 36-anyos na si Dela Hoya, alam ni Arum na mas malaki ang tsansa ni Pacquiao na manalo kay Cotto kumpara kay Mosley.
“We all know that fight with Miguel Cotto wouldn’t be as dangerous as a fight with Shane Mosley,” sabi ni Dela Hoya, pinagretiro ni Pacquiao matapos umiskor ng isang eight-round TKO sa kanilang non-title welterweight fight noong Disyembre ng 2008. “So that’s why they’re doing it.”
Tangan ni Cotto ang 34-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 27 KO’s, samantalang ibinabandera naman ni Mosley, nasa Golden Boy Promotions, ang 46-5-0 (39 KO’s) slate.
Tinalo na ni Cotto si Mosley via unanimous decision para sa WBO welterweight crown noong 2007.
“Shane lost to Cotto so who’s the better fighter,?” ani trainer Freddie Roach. “Style-wise Shane’s a little bit faster than Cotto. But either guy is fine but I think Cotto’s a little more marketable.” (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending