Bagong alituntunin sa NCAA ipatutupad sa Season 85

MANILA, Philippines - Sa pagbubukas ng panibagong yugto ng NCAA, hihigpitan ang regulasyon ng bawat laro ayon kay Commissioner Aric Del Rosario.

Ayon sa kanya, ang sinumang player na mahuhuling lalabag sa kautusang ito ay papatawan ng karampatang kaparusahan.

Patatalsikin ang mga players na makakagawa ng delikadong fouls at tulad ng pagsuntok, sipa, paniniko at iba pang bayolenteng gawa bilang leksyon.

“We will not tolerate dirty players in this league, they would be immediately ejected if we find them intentionally doing it,” wika ni del Rosario, “There’s nothing wrong with being physical, but playing dirty is a different thing,” dagdag pa nito.

Dahil dito, tinututukan ni del Rosario ang aspetong ito, kung saan kumuha ito ng ibang set of referees na karamihan ay nagmula sa NABRO upang mamonitor ang bawat laro. Sa kampanyang ito, hinihikayat nila ang mga players na maglaro ng tapat at malinis.

Sa mga bagong regulasyon, ipapatupad rin ang 2 coaches presence ng bawat koponan. Kung saan papayagang tumayo ang head coach at assistant nito habang pinapanuod ang aksyon. Subalit, magkakaroon na ng paglabag kapag ito’y nadagdagan pa.

Nakatakdang sumiklab ang Season 85 ng NCAA sa June 27 na uumpisahan ng three game offering na katatampukan ng San Beda vs. Mapua sa pang-alas dos at agad susundan ng runner up Jose Rizal at Letran sa dakong alas-4 ng hapon.

Para sa panghuling laban, magkakahap ang Perpetual Help at San Sebastian sa alas-6 ng gabing engkuwentro sa Big Dome.

Ang opening ceremony ng naturang liga ay pasasayahin ng magaling na production number at ng tradisyong parade ng participating schools sa ganap na alas-12 ng tanghali.

Susugod naman ang College of St. Benilde para sagupain ang guest team na Arellano University ng alas-2 ng hapon, at makiki-pagtunggali rin ang 2 guest teams na Angeles University Foundation at Emilio Aguinaldo College sa The Arena, San Juan City, ganap na alas kwatro ng hapon. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments