MANILA, Philippines - Isang madugong labanan ang aasahang sisiklab sa pagitan ng San Sebastian College at University of Sto. Tomas na maghahamunan para sa korona ng ikaanim na edisyon ng Shakey’s V-League bukas.
Hangad ang ikalawang dikit na titulo, makikipagrambulan sa court ang Lady Stags para muling mapaluhod ang Lady Tigresses katulad ng paggupong ginawa nila sa nakaraang kumperensya.
Pinitas ang panalo sa opening ng best-of three title series, nilapa ng Stags ang kalaban sa pamamagitan ng 25-17, 25-22, 25-19 panalo.
Subalit hindi rin agad nagpatalo ang Lady Tigresses makaraang sakmalin ang SSC noong Linggo, 25-21, 25-22, 25-23 panalo para ipwersa ang sudden death match.
Ang engkwentrong ito ang magdedetermina ng magiging kampeon sa kasalukuyang torneo.
Matutunghayan ang maka-pigil hiningang tagisan ng lakas, depensa at magandang reception sa pagitan ng dalawang magaling na koponan.
Bukod dito, magtatapat rin ang de kalibreng manlalaro ng UST na si Mary Jean Balse at SSC Thai import, Jaroensri Bualee na naging mahigpit na magkaribal para sa MVP title.
Dahil sa inuwing korona, inspirado ang two-time MVP na si Balse na maungusan ang SSC at maituloy ang pag-angkla ng ikaapat na sunod na kampeonato.
Gayunpaman, aasahan rin ang pagresbak ni Bualee, matapos madaig ni Balse sa pinakamataas na individual award ng liga.
Patutunayan ni Bualee ang kanyang kahalagahan bilang top player na aakay sa rurok ng tagumpay sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza at ipiniprisinta ng Cherifer.
Mula sa 34 points, kabilang ang 31 spikes na tala ni Bualee, sasandig ang import sa solidong suporta ng mga kaalyadong sina Suzanne Roces, Rysabelle Devanadera, Laurence Ann Latigay, Analyn Benito, Marge Pepito, at setter na si Charisse Ancheta.
Gayunpaman, ilalakad ng UST ang pag-asang pagreynahan ang liga sa tulong nina top spiker Michelle Carolino, Aiza Maizo, Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz at Bernice Co para malampasan ang three championships ng La Salle Lady Archers.
Samantala, sinwerte naman ang Adamson nang sungkitin ang ikatlong pwesto 27-25, 25-23, 25-23 panalo kontra Far Eastern University noong Linggo sa ligang hatid ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Sa kabilang banda, maliban kina Balse at Bualee, pinarangalan rin sina Latigay (best attacker), Maizo (best blocker), Maica Morada (best server), Lizlee Ann Gata (best digger), Dimaculangan (best setter) at Pepito (best receiver). Habang hinirang na Cherifer’s most improved player si FEU top hitter, Shaira Gonzales. (Sarie Nerine Francisco)