Malaking Hamon Kay Agustin
Natalo man ang San Sebastian Stags sa University of the East Red Warriors sa semifinals ng Filoil Flying V Pre-season MVP Cup ay masaya na rin ang bagong coach na si Renato Agustin sa performance ng kanyang team.
Kasi nga, nang magsimula ang torneo ay hindi naman ganoon kataas ang expectation sa Stags. Halos na-revamp ang line-up ng SSC. At siyempre, bago nga si Agustin na humalili kay Jorge Gallent na nagbitiw matapos ang dalawang seasons na paghawak sa Stags.
Pinagpilian ng SSC management kung sino ang ipapalit kay Gallent at dalawa ang naging kandidato. Bukod kay Agustin ay naging kandidato din sa pusisyon si Art dela Cruz na dating manlalaro ng SSC. Kaya lang ay hindi ito pinayagan ng Barangay Ginebra na humawak ng ibang team. Si Dela Cruz ay isa sa assistant coaches ni Joseph Uichico sa kampo ng Gin Kings sa PBA.
So, si Agustin ang nakakuha ng head coaching job bagamat hindi naman siya produkto ng San Sebastian kungdi ng Lyceum of the Philippines.
Malaking hamon talaga para kay Agustin ang pangyayaring ito. Kasi nga, hindi pa siya naging head coach. Ngayon pa lang niya sinuong ang katungkulang ito.
"Muntik na akong maging coach. Noong naglalaro ako sa Pampanga Dragons sa Metropolitan Basketball Association, inalok akong maging playing coach. Pero pinag-isipan kong mabuti iyon. Mas gusto ko pang maglaro kasi, e," ani Agustin.
Kaya hindi iyon nagtuloy. Matapos ang stint niya sa Pampanga ay nagbalik siya sa PBA kung saan winakasan niya ang kanyang career sa pamamagitan ng paglalaro sa Red Bull (ngayo’y Barako Bull) noong 2001.
Maganda din ang na-achieve ni Ato sa PBA dahil sa itinanghal siyang Most Valuable Player ng liga noong 1992 habang naglalaro pa siya sa San Miguel Beer. Bukod sa San Miguel at Red Bull ay nakapaglaro din si Agustin sa Sunkist, Pop Cola, Mobiline at Sta. Lucia Realty. Sa ngayon ay isa siyang konsehal sa lungsod ng San Fernando.
Walo ang bagong players ng SSC at lima dito’y galing sa Pampanga. Ito’y sina Calvin Abueva, Ronald Pascual, Dexter Marquez, Robin Dizon at Ian Sangalang. Galing naman sa Bulacan sina Erickson at Jason Gatchalian samantalang si Raffy Gusi ay iniangat buhat sa junior team ng SSC.
Ang mga holdovers buhat noong nakaraang season ay ang team captain na si Jimbo Aquino at sina Raymond Maconocido, Mark Anthony Bringas, Jonathan Semira, Dave Najorda, Gilbert Bulawan, Pamboy Raymundo at Anthony del Rio.
Dahil sa nakapanggulat ang Stags sa Filoil-Flying V tournament, aba’y tiyak na paghahandaan silang maigi ng mga kalaban sa National Collegiate Athletic Association.
Nawala na tuloy ‘yung element of surprise.
- Latest
- Trending