Alabang Tigers pasok sa semis
MANILA, Philippines - Inokupahan ng Alabang Tigers ang ikatlong puwesto sa semifinals ng Baseball Philippines Series V sa pamamagitan ng 7-5 panalo laban sa Taguig Patriots sa quarterfinals kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Isang beses lamang sumablay sa apat na palo si Welvin Vispo at may dalawang RBI at ang huling tungtong nga niya sa batter’s plate sa eight inning ay nagresulta sa isang run-double na bumasag sa 6-6 tabla.
Ang malayong hataw sa bola ni Vispo ay naging dahilan upang makaiskor si Jay Laurel bago kinuha ni Vispo ang ikalawang runs sa nasabing inning sa two-base hit ni Jake Cumlat upang makumpleto ng Tigers ang ginawang pagbangon buhat sa 2-5 iskor matapos ang tatlong innings.
Si Laurel ang siyang starting pitcher ng Alabang at nagbigay siya ng apat na hits at limang runs bukod sa 2 strikeouts sa anim na innings bago pumalit si Carlo Borromeo na nilimitahan ang Patriots sa isang hit at walang run sa huling tatlong innings.
Dala ng panalo, ang Tigers ay umusad sa semifinals ng ligang inorganisa ng Community Sports Inc. at makakatapat ang pumangalawang Manila Sharks sa pagsisimula ng Final Four sa susunod na Sabado.
Kailangan ng Alabang na manalo ng dalawang sunod sa Sharks para makapasok sa Finals.
Samantala, pinangatawanan naman ng Cagayan Carabaos ang pagiging paborito sa Junior Baseball Philippines (JBP) nang durugin ang Alabang Tigers, 9-2, sa Game One ng kanilang Finals series sa pangalawang laro kahapon.
Ipinamalas ng Cagayan ang bangis ng kanilang pitchers habang ang opensa naman ay nag-init sa second inning sa pag-iskor ng limang runs para hawakan ang 1-0 kalamangan sa best of three series.
Tatlong pitchers ang ginamit ng Cagayan at nagsanib lamang sa apat na hits kumpara sa siyam na ipinagkaloob ng apat na pitchers ng Alabang.
Si Amber Plaza na isa sa limang manlalaro na naghatid sa Tanauan sa kampeonato sa Philippine Series Big League title ay may tatlong hits, isang run at limang strikeouts sa tatlong innings na pagpukol bago pinalitan ni Tsuyoshi Horibata na pumukol sa sumunod na apat na innings ay may isang hit at tatlong strikeouts.
Ang closer ay si Aris Oruga na may isang run at isang hit sa isang inning na pagpukol.
- Latest
- Trending