'Make or break' para kay Mayol
MANILA, Philippines - Ito na ang sinasabing magiging ‘make or break’ ukol sa kinabukasan ni Rodel Mayol sa world boxing scene.
Nakatakdang sagupain ni Mayol si Puerto Rican world light flyweight champion Ivan “Iron Boy” Calderon sa Madison Square Garden sa New York City.
Ito ang ikatlong pagkakataon na magtatangka si Mayol na makaagaw ng isang world boxing title makaraang mabigo kina World Boxing Council (WBC) minimumweight king Eagle Den Junlaphan noong 2006 at kay International Boxing Federation (IBF) light flyweight ruler Ulises Solis noong 2007.
Ang IBF light flyweight belt ni Solis ay naagaw ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria via 11th-round TKO noong Abril.
“Ito na siguro ‘yung last chance ko para makakuha ng isang world boxing title, kaya talagang gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para manalo kay Calderon,” sabi ni Mayol.
Kagaya ng ipinapakain kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao, ito rin ang inihahain ni Filipino trainer Buboy Fernandez sa 27-anyos na si Mayol.
“Kung ano ‘yung pagkain na inihahanda namin kay Manny, iyon rin ang ibinibigay namin kay Rodel para ma-maintain niya ‘yung kondisyon at timbang niya,” ani Fernandez.
Tangan ni Mayol, nagsanay sa ilalim ni Fernandez sa Wildcard Boxing Gym ni Freddie Roach sa Hollywood, California, ang 25-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs kontra sa 32-0-0 (6 KOs) ni Calderon.
“Magaling pumuntos kaya dapat sa umpisa pa lang, aggressive na ako,” sabi ng tubong Mandaue City, Cebu na si Mayol sa 34-anyos na si Calderon. “May game plan na kami so ‘yun susundan namin.”
Nauna na ring sinabi ni Mayol na pawang mga ‘boring fights’ ang naging laban ni Calderon.
“I’m always giving, never receiving,” pangako naman ni Calderon sa kanyang pakikipagsabayan kay Mayol. “I think they want to see me receive a little, too.’’ (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending