Tigers Babawi
Magandang experience para kay Kenneth Duremdes ang pagsisilbi niya bilang assistant coach kay Joseller “Yeng” Guiao sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) tournament kamakailan.
Tiyak na napakaraming natutunan ni Duremdes sa torneong iyon. Marami siyang natutunan kay Guiao at maging sa mga nakaharap ng Powerade Team Pilipinas. At ang mga napulot niyang ito’y magagamit niya sa Coca-Cola kung saan siya ang head coach.
Frustrating ang unang season ni Duremdes bilang head coach ng Tigers. Kasi nga’y hindi niya naiahon ang kanyang team at nanatili ito sa ibaba ng standings.
Kung titignan, parang hindi naman talaga handa si Duremdes na maging head coach sa taong ito dahil sa ang nasa isipan niya ay maglaro pa. Nagulat na lang siya nang italaga siya bilang interim head coach ng Coca-Cola matapos na mawala sa eksena si Vincent “Binky” Favis ilang games pa lang ang nalalaro sa Philippine Cup.
Pero ginawa niya ang kanyang magagawa. Kinapos na lang ang Tigers sa Philippine Cup.
Nagkaganito ma’y binigyan siya ng kontrata ng Coca-Cola management bilang head coach bago nagsimula ang Fiesta Conference. Bale two and a half years ang kontratang pinirmahan niya.
So, kailangang kalimutan na niya ang hangarin makapaglarong muli. Tinanggap niyang retirado na siya bilang isang player at simula na ito ng bagong kabanata sa kanyang buhay.
Subalit wala pa ring nangyari sa Tigers sa Fiesta Conference. Slight improvement lang dahil sa pumang-walo sila sa classification round. Pero sa wildcard phase ay tinalo sila ng Sta. Lucia Realty, 94-88.
Masaklap iyon dahil kahit paano’y inakala ng karamihan na ang Tigers ang siyang llamado kontra Realtors. Kasi nga’y hindi na nakapaglaro para sa Sta. Lucia ang reigning Most Valuable Player na si Kelly Williams na biglang nagkaroon ng karamdaman sa dugo.
Well, ‘water under the bridge’ na iyon.
Bakasyon na ang Tigers. Hindi naman sila lang ang na-frustrate dahil maaga ding nagbakasyon ang Alaska Milk at Talk N Text na siyang finalists sa nakaraang Philippine Cup. So, kung tutuusin, ‘in good company’ sila pero sa masagwang sitwasyon!
Ang mahabang bakasyon ng Tigers ay magagamit ni Duremdes upang lalo niyang makilala ang kanyang mga manlalaro, makakuha pa ng players para ma-improve ang kanyang line-up at mapagtuunan ng pansin ang kanyang coaching skills.
Sa pagiging assistant kay Guiao, tiyak na mas magkakaroon ng karanasan si Duremdes lalo’t lalahok pa ang Powerade Team Pilipinas sa Jones Cup at sa FIBA Asia men’s championship.
Magiging handang-handa si Captain Marbel para sa susunod na PBA season.
At mangangagat na rin ang Tigers!
- Latest
- Trending