Unification fight asam ni Viloria
MANILA, Philippines – Matapos agawan ng world light flyweight belt si Mexican Ulises “Archie” Solis, ang isang unification fight naman ang tini-tingnan ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria.
Ayon sa 28-anyos na si Viloria, nabanggit na sa isang usapan ang posibilidad na makaharap niya ang 34-anyos na si Ivan “Iron Boy” Calderon ng Puerto Rico para sa itatayang dalawang korona.
“Ivan Calderon and I do have our history in the amateur ranks,” wika ni Viloria, ang bagong International Boxing Federation (IBF) light fylweight king. “I believe we are 1-1 with me stopping him in one of the box-offs.”
Tinalo ni Viloria, may 25-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, si Solis via 11th-round TKO noong Abril para masungkit ang suot nitong IBF belt.
Nakatakda namang idepensa ni Calderon (32-0-0, 6 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) light flyweight title laban kay Filipino challenger Rodel Mayol (25-3-0, 19 KOs) sa Hunyo 13 (US time) sa Madison Square Garden sa New York City.
“He’s a slick boxer. Great guy outside of the ring. It will be an interesting match up, and I can’t wait for it to happen,” wika ni Viloria sa kanilang unification fight ni Calderon.
Sa kanyang pagiging amateur fighter kung saan niya dalawang beses nakalaban si Calderon, kinuha ni Viloria ang mga gold medal sa National Golden Gloves, US National Championships, Junior Olympics, World Championships, European Invitationals at American Boxing Classics Championships.
Bago umakyat sa professional ranks, humakot si Viloria, miyembro ng U.S. Olympic Team noong 2000, ng kabuuang 20-8 card. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending